Sarili



        Kagaya ng huling blog kong ito, huli na naman ulit ako. Kahit ganoon, sana naman ay magawa niyo pa ring basahin/pakinggan ang kwento ko tungkol sa aking sarili dahil ika nga ng karamihan, "There's more to me than what meets the eye."




        Ako ay ipinanganak bilang si Jona Louise Elopre Valdehueza noong Setyembre 26, 2004 sa Rural Health Unit. Ang palayaw ko pala ay Isy. Ang aking mga magulang ay sina Maria Lisa E. Valdehueza at si Jonathan T. Valdehueza. Ang aking mga magulang ay hindi talaga taga-Dipolog. Si Mommy ay lumaki sa probinsya ng Polanco at si Daddy naman ay galing sa siyudad ng Tangub. Ngayon, kami ay nakatira sa 017 Kalye ng Echavez, Barangay Estaka, Siyudad ng Dipolog.

    Ang sabi sa'kin ni Mommy, hindi naman Mommy at Daddy ang tawag namin sa kanila noon kaso nga lang, echosera 'tong panganay kong kuya at nagpumilit na tawagin silang Mommy at Daddy. Ay, hindi pa pala ako nagkukwento tungkol sa aming magkakapatid.



       Apat kaming magkakapatid at ako ang ikatlo. Jon "Jk" Kyle E. Valdehueza ang pangalan ng panganay kong kuya. Jasper Dominic E. Valdehueza naman ang sumunod. Ang bunso naman sa aming magkakapatid ay si Jo "Bingbing" Amabelle E. Valdehueza. Kung ilalarawan ko sila gamit sa isang salita, si Kuya Jk ay maarte, si Kuya Jasper ay maldito, at si Bingbing ay maartengmaldita (Isang salita lang 'yan! HAHAHA!). Tama na muna ang pagkukwento ko tungkol sa kanila at magpokus muna tayo sa paksa natin para sa aking huling blog, sarili. 

       Nasa unang baitang ako noon nung tinagurian akong isang tomboy. Palagi akong nag-aastang lalaki noong mga panahong iyon. Tinatakot ko rin noon ang nga kalalakihan namin sa pamamagitan ng pagpapakita ng kamao. Medyo hindi naman nakapagtataka kasi lumaki akong mga lalaki ang kasama at lalaki ang kalaro, ang mga kuya at mga pinsan ko. Nakapaglaro na 'ko ng jolen tapos yu-gi-oh at pokemon cards tapos rubber bands at marami pang ibang laruan na madalas lalaki lang ang naglalaro. Hindi lang naman talaga iyon lang mga nabanggit ko ang nilalaro ko noon. Nakapaglaro na rin naman kasi ako ng Barbie, lutu-lutuan, doktor-doktoran, at iba pang pambabaeng laruan. Siguro, mas nagustuhan ko lang talaga ang mga panlalaking laruan.

        Noong nasa ikalawang baitang ako, tumigil na rin ako sa pagiging tomboy. Doon kasi nauso ang salitang "crush". Naging crush ko noon ang kaklase kong heartthrob na si Jon. Hindi ko siya naging crush dahil crush ko talaga siya kundi dahil medyo nakikiuso lang din ako at para na rin makapagsulat sa slambook ni Nia. Nauso rin kasi noon ang slambook sa amin at niloko ako ni Nia na sabi ng Mama niya hindi daw kami papasulatin doon kung hindi kami maglalagay ng pangalan ng mga crush namin.

       Wala masyadong nangyari noong nasa ikatlong baitang ako kaya magkukwento nalang din ako sa aking buhay noong nasa ikaapat na baitang ako na tinagurian ko na aking "Pagmumura Days". Noong nasa ikaapat na baitang kasi ako natutong magmura dahil sa panonood ng Grown Ups 2. Sinasabihan ko palagi ang mga kaklase ko noon ng F@#k y#0 tapos kada hulog ng ballpen ko, ang sinasabi ko ay S#!t. Akala ko kasi noon, ito ay akto nga mga cool na bata. Natigil lang ito nung nagsumbong ang isa kong kaklase sa Tita ko kaya sinumbong ng Tita ko sa mama ko kaya kinumpronta ako ni Mommy tungkol dito. Nga pala, nakilala ko rin si Wattpad noong ako'y nasa ikaapat na baitang.
     


        K-Pop Days ko pala ang aking ikalimang baitang dahil noon ko lang nakahiligan ang k-pop. Hindi ko alam kung alin sa Infinite, Exo, Got7, o BTS ang unang grupo na naging fan ako. Basta, ang alam ko patuloy ko pa ring sinusuportahan ang apat na grupong iyan at ang iba pang grupo na nakilala ko sa aking pagiging K-Pop fan. Ngayon, hindi lang K-Pop ang gusto ko kundi  Korean music na talaga. Ini-bexplore ko na rin kasi ang ibang genres katulad ng Rock, Indie, Rap/Hiphop, at RnB. Nasa ikalimang baitang yata rin ako noong naranasan kong makita ang muntikang pagkamatay ng isang tao—si Daddy.

       Hapon kasi iyon nung narinig namin na gumagawa ng weirdong ingay si Daddy na nasa tabi namin at natutulog habang kami ay naglalaro ng kompyuter. Tinawanan lang namin siya dahil akala namin ay nagsasalita lang siya sa kanyang panaginip. Nabigla nalang kami nung bigla niya akong pinalo at bigla siyang nagising. Ang sabi niya sa amin, binabangungot daw siya at kapag binangungot daw ang isang tao, kadalasan daw itong nag-lelead sa cardiac arrest. Simula noon, nahihirapan na akong matulog lalo na kapag may naririnig akong natutulog na tao sa tabi ko at gumagawa ng kakaibang ingay o kahit siya ay nagsasalita lamang sa kanyang panaginip. Sinisiguro ko na siya ay ligtas bago ako matulog o magpatuloy sa kung anuman ang ginagawa ko.

       Ngayon, pumunta na tayo sa huling taon ko sa elementarya. Naging masaya iyon ngunit habang tumatagal nalulungkot na rin kami kasi magkakawatak-watak na kami ng aming mga kaklase na nakasama na rin namin sa aming buhay sa nakalipas na anim na taon. Nasa ika-anim na baitang ko din pala unang naranasan ang sleep paralysis. Mga anim o pitong beses ko na rin siguro naranasan ito sa kasalukuyan ngunit kahit ganito man ang nangyayari sa akin, tinuturing ko na rin na maswerte ako dahil wala akong nakikitang demonyo o aswang na kadalasang nakikita daw ng mga taong naranasan na ang sleep paralysis. 

       Kinuwento ko sa inyo ang tungkol sa buhay ko noong ako'y nasa elementarya dahil sa tingin ko, sa pamamagitan ng pagkukwento ko tungkol dito, malalaman niyo rin kahit katiting man lang na impormasyon tungkol sa aking sarili dahil doon niyo ako matutunghayan na lumaki. Ngunit, hindi lang doon nagtatapos ang kwento ko dahil hanggang ngayon, isinusulat ko pa rin ito—ang kwento ko. Isinusulat ko pa rin ang kwento ko kung saan ako ang awtor nito at pili lang ang mga taong nakakabasa nito.





Maraming salamat sa pagbabasa! Kung may itatanong o ikukumento kayo tungkol sa aking blog, maaari kayong mag-comment sa ibaba, mag-email sa aking gmail acc na louise.kayeee@gmail.com, o kaya mag-tweet sa aking twitter acc na @thatthatfankaye .








   

   

Comments